Para sa Asawang Nag-aalaga sa Partner na may Dementia
By Ellen Samson – Dementia Speaker
Para sa mga may asawang may Dementia at sila rin ang pangunahing nag-aalaga…
Para po ito sa inyo.
1. Tanggapin na may dalawang “version” na siya ngayon
May “dating siya” — ang asawa mong masigla, maasahan, nagluluto, tumatawa.
At may “ngayon siya” — mas tahimik, nalilito, minsan paulit-ulit, o parang ibang tao.
Mahal mo pa rin siya, pero nag-iba na ang paraan ng pag-aalaga mo.
Hindi ito pagtataksil sa nakaraan — ito ay pag-aadjust sa kasalukuyan.
2. Normal ang magalit, mapagod, at umiyak
Hindi ka masamang asawa kung minsan napipikon ka.
Hindi kabawasan sa pagmamahal kung umiiyak ka sa CR o tahimik na nagdadasal sa gabi.
Ang tawag diyan ay grief in caregiving — parang nagluluksa ka habang inaalagaan siya.
Araw-araw kang nawawalan at lumalaban nang sabay.
3. Maglaan ng “micro-rests” araw-araw
Hindi kailangan ng bakasyon para makahinga.
Kahit 10–15 minutes lang na ikaw lang:
-
tahimik na kape
-
maikling lakad
-
pagtitig sa halaman
Malaking tulong ito.
Ang isip at katawan ng caregiver ay parang cellphone — kailangan ding i-charge kahit paunti-unti.
4. Gumamit ng emotional reset kapag napipikon
Kapag ramdam mo nang umiinit ulo mo, bago ka sumagot, gawin ito:
Sabihin sa isip mo:
“Hindi siya ang dating asawa ko, pero siya pa rin ang taong minahal ko.”
Hindi nito magic na mawawala ang inis, pero pinapaalala nito kung bakit mo siya inaalagaan.
5. Alalahanin na may karapatan ka ring tulungan
Hindi mo kailangang mag-isa.
Kung may anak, kamag-anak, o kapitbahay na pwedeng sumalo kahit ilang oras, payagan mo.
Ang tawag diyan ay respite care — pahinga para hindi ka ma-burnout.
Kapag napahinga ka, mas may pasensya ka rin kay mister o misis.
6. Kilalanin muli ang sarili mo
Hindi ka lang “asawa ng may dementia.”
Ikaw si Cristina — isang babae, ina, kaibigan, may pangarap, may sariling buhay.
Minsan akala mo nawala ka na sa caregiving… pero nandiyan ka pa.
Kailangan mo lang ng pahinga at pag-alaala kung sino ka bago nagbago ang lahat.
7. Magpa-check din sa sarili mo
Kapag tuloy-tuloy ang:
-
hirap matulog
-
mainit ang ulo
-
mabigat ang dibdib
-
madalas na pag-iyak
Hindi ito arte.
Ito ay compassion fatigue o maagang sintomas ng depression.
Makipag-usap sa doktor o counselor — kailangan mo rin ng alaga.
8. Pahintulutan mong hindi perfect ang araw mo
May araw na mahinahon ka.
May araw na pagod ka.
May araw na gusto mo lang manahimik.
Lahat ng ‘yan valid.
Ang mahalaga, bumabangon ka pa rin.
At kahit nagbago ang asawa mo, nararamdaman pa rin niya kung sino ang nagmamahal — kahit hindi na niya masabi.
Para po kay Ate Cristina Austria Balobo.
#DementiaUpCloseAndPersonal #DearEllen #EllenSamson #ofw #PinoyCaregivers
No comments:
Post a Comment